-- Advertisements --

Patuloy na bumuhos ang mga panalangin ng mananampalatayang Pilipino para sa kasalukuyang pinuno ng simbahang Katolika na si Pope Francis.

Kung saan, isinasagawa ngayon ng iba’t-ibang mga simbahan ang patuloy na pagdarasal upang maka-recover mula sa iniindang sakit ang naturang Santo Papa.

Ito ay matapos ilabas ng Arsobispo ng Maynila na si Archbishop Jose Cardinal Advincula ang isang apela na nag-aanyayang isama ang instensyon ng kagalingan sa mga idinaraos na misa sa mga parokya.

Dahil dito, patuloy na inaanyayahan ng mga pinuno ng simbahan ang publiko na idalangin ang mabilis na pagpapabuti sa kalagayan ni Pope Francis.

Isa sa mga ito ay ang presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na si Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David, na hinimok ang mga Katoliko na ipagpatuloy ang kanilang pagdarasal para sa Santo Papa.

‘I hope we all continue to pray for our dear holy father, Pope Francis. You know already from the news that he is suffering from a serious case of pneumonia and he’s having difficulty breathing,’ ani Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David, kasalukuyang presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Maalala na naging malapit sa puso ng mga mananampalatayang Pilipino si Pope Francis matapos itong bumisita noong taong 2015 dito sa bansa.

Kaya naman, ang Archdiocese of Manila ay magsasagawa ngayong araw ng isang prayer vigil para sa naturang Santo Papa na pangungunahan naman mismo ng arsobispo nito na si Archbishop Jose Cardinal Advincula sa Manila Cathedral.