Inanunsyo ng Communist Party of the Philippines na magsasagawa umano ang mga rebelde ng “simple pero masayang” mga aktibidad para gunitain ang ika-52 anibersaryo ng CPP bukas, Disyembre 26.
Sa isang pahayag, sinabi ng CPP na tuloy ang mga nakahanay na aktibidad sa mga kanayunan at kalunsuran sa kabila ng umano’y pananalakay ng militar.
“These activities are going to be held clandestinely to evade suppression by the fascist enemy’s military and police forces,” saad ng CPP.
“The AFP (Armed Forces of the Philippines), has so far, failed to detect and prevent the gatherings and assemblies which have already been held in some revolutionary areas, and which are to be held tomorrow and in the coming days. In some villages, the masses and local NPA units were able to mount their gatherings right under the nose of the AFP,” dagdag nito.
Magsisilbi rin anilang mga education seminar ang nasabing mga aktibidad para talakayin ang pananaw ng komunistang grupo sa mga nangyayari sa loob at labas ng bansa.
Sa mga nasa siyudad, magsasagawa ng mga pagtitipon ang mga rebelde sa kanilang mga komunidad at mga kabahayan, habang sa mga liblib na lugar, maaring idaos ang mga pagtitipon sa malikhaing paraan para hindi raw matunugan ng kalaban.
“In their desperation to drown the joyous and militant spirit of the Party’s anniversary celebration, it is not far fetched for Duterte’s NTF-ELCAC to carry out another clampdown against the legal democratic forces, as it did last December 10, again by baselessly linking them with the revolutionary armed struggle in the countryside,” anang komunista.
Kung maaalala, kapwa hindi nagdeklara ng tigil-putukan ang CPP at ang gobyerno ngayong taon.
Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala nang mangyayaring ceasefire sa pagitan ng mga rebelde hanggang sa katapusan ng kanyang termino.
Sinabi na rin ng AFP na hindi umano sinsero ang mga komunistang rebelde sa mga nakalipas na holiday truce dahil itinutuloy pa rin ng mga ito ang mga ginagawang karahasan laban sa puwersa ng pamahalaan at maging sa mga sibilyan.
Sa panig naman ng CPP, sinabi nito na ang walang tigil na pag-atake ng tropa ng gobyerno ang dahilan kaya napilitan ang CPP Central Committee na hindi muna magdeklara ng ceasefire ngayong taon.