May pagkakataon pa para dinggin ang panig ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Health Service Command at V. Luna Medical Center na sinibak sa puwesto dahil sa maanomalyang transaksyon lalo na ang umano’y ginawang “ghost deliveries.”
Ito ay sa pamamagitan ng isasagawang court martial proceedings.
Bukod kina B/Gen. Edwin Leo Torrelavega at Col. Antonio Punzalan, may 20 iba pa na mga opisyal at enlisted personnel ang ni-relieve sa pwesto na may mga ranggong Lt. Colonel, Major at Captain.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr., ang mga opisyal na sangkot sa anomalya ay kakasuhan ng violation of Article of War 95 o fraud against the government sa ilalim ng military justice system.
Bilang chief of staff aniya, nalungkot siya at na-offend sa report ng korupsyon sa pagbili ng mga gamot at facilities para sa mga sundalo.
Hindi raw niya binibigyan ng pre-judgement ang mga opisyal na tinukoy sa report, dahil ang rekomendasyon para sa court martial ay isusumite palang sa kanya para sa approval bago isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa final approval.
Una nang inihayag ni Galvez na ang problema sa PNP Health Service Command at V. Luna Medical Center ay itinuturing na systemic corruption.