-- Advertisements --

Isasailalim sa isang buwang retraining ang mga pulis Caloocan na sinibak sa puwesto dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa serye ng kontrobersiya.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa, anumang araw sa susunod na dalawang linggo, sisimulan na nila ang 30 araw na retraining sa mga pulis Caloocan.

Ayon kay Dela Rosa, kabilang sa retraining program ang pagpapaalala sa mga pulis ng operational procedure, rules of engagement, tamang pagkapkap at paghalughog sa mga target, pagsunod sa batas at karapatang pantao.

Isasailalim din sa retraining ang mga opisyal o commanders lalo na ang mga guide kung paano pamunuan ang kanilang mga tauhan.

Ayon pa sa PNP chief, nakadepende sa retraining na ito ang kapalaran ng mga Caloocan police kung saan kapag maganda ang resulta ay posibleng gawin din ito sa mga pulis sa ibang lugar tulad ng Pasay at iba pa.

Samantala, umaasa ang pambansang pulisya na maaaprubahan ang kanilang hiling na pondo para sa kanilang procurement na nasa 37,000 body cameras na gagamitin ng police operatives sa kanilang operasyon.

Layon ng PNP na i-equipped ng body cam ang kanilang pulis para ipakita sa publiko na transparent sila sa kanilang operasyon.

Nagpasalamat naman ang PNP sa mga local government units na nagbigay ng donasyong body cameras sa PNP.