-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pangunahing binabantayan ng mga otoridad sa Baguio City at Benguet ang mga sinking areas at iba pang delikadong lugar para sa pananalasa ng Bagyong Jenny.

Ayon kay Tublay Mayor Armando Lauro, tinututukan nilang bantayan ang bahagi ng Sitio Mamuyod sa Ambassador, Tublay, Benguet dahil isa itong sinking area at una nang pinayuhan ang mga nakatira malapit doon.

Tiniyak ng alkalde na nakahanda ang iba’t-ibang opisina na magbibigay ng tulong sa mga maaapektuhan sa pananalasa ng nasabing bagyo.

Sinabi pa niya na hanggang sa ngayon ay nakabukas naman lahat ng kalsada sa Tublay, Benguet.

Samantala, naglabas naman ng isang utos si Baguio City Mayor Benjamin Magalong para sa mahigpit na paghahanda ng lahat ng 128 na barangay sa City of Pines sa magiging epekto ng Bagyong Jenny.

Kasunod nito ay binabalaan ng lokal na pamahalaan ang mga residente ng lunsod na nakatira sa mga delikadong lugar para sila ay lumikas na habang hindi pa ramdam ang hagupit ng bagyo.

Sa pamamagitan ng Memorandum no 2865-2019 ay iniutos din ni Magalong ang pag-activate sa mga quick response teams ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.