Isiniwalat ng isang grupo na dumagdagdag ang mga snob o namimili na taxi driver sa mga hirap na commuter na apektado ng patuloy na transport strike ng mga jeepney driver at operator.
Ayon kay The Passenger Forum convener Primo Morillo, nahihirapan ang publiko sa pag-commute dahil sa transport strike bilang protesta sa public utility vehicle modernization program (PUVMP) at sa holiday rush.
Aniya, mabigat na traffic ang nararanasan ng mga commuters at sinabayan pa ng mga mapiling taxi drivers.
Sinabi ni Morillo na ang matagal nang problema sa pagbabalewala ng mga taxi driver sa mga pasahero ay lumalala kapag tumataas ang demand para sa mga taxi, tulad ng tuwing holiday at kapag umuulan.
Aniya, kadalasang tumatanggi ang mga taxi driver sa mga pasahero kapag ayaw nila sa destinasyon o rutang kanilang dadaanan.
Habang ang ilan naman ay humihingi pa ng karagdagang bayad para sa kanilang biyahe.
Sa ganitong mga sitwasyon, sinabi ni Morillo na ang mga pasahero ay maaaring mag-ulat sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at ang ahensya ay magpapataw ng mga parusa sa mga driver, kabilang ang pagbawi ng prangkisa ng mapapatunayang snob taxi drivers.