Binigyang-diin ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi umano dapat munang magpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga sobrang tanda.
Pahayag ito ni Duque kahit na kasama sa mga prayoridad na makatanggap ng COVID-19 vaccine ang mga senior citizen o mga 60-anyos pataas.
Ayon pa sa kalihim, hindi rin daw required magpabakuna ang mga healthcare workers sa mga pampublikong ospital.
“Voluntary ito. Kailangan yung mga gustong magpabakuna pipirma pa ng final consent form,” wika ni Duque.
“’Yung ayaw magpabakuna, pipirma din sila na ayaw nila magpabakuna o magaantay sila hanggat ‘yung kanilang type na bakuna ‘yung darating. Pero hindi tayo nakakasiguro,” dagdag nito.
Hindi rin naman aniya maapektuhan ang trabaho ng mga medical frontlines na tatangging mabakunahan.
“Hindi naman, dahil ‘yan naman basta’t meron silang minimum public health standards. Naka-mask, naka-face shield, eh, nag so-social distancing sa trabaho,” anang kalihim.