-- Advertisements --

Inanunsyo ng pamahalaang panglunsod ng Valenzuela na hindi nila oobligahin ang mga solo-riding bikers na magsuot ng face shield.

Sa isang pahayag, sinabi ng city government na naglabas ng kautusan si Mayor Rex Gatchalian na nag-e-exempt sa mga solo bikers sa siyudad na magsuot ng face shield dahil sa panganib na dulot nito.

Base raw kasi sa mga karanasan ng mga bikers, maliban sa hirap sa paghinga, sagabal din sa view ang pagsusuot ng face shield dahil nakakaapekto ito sa kanilang paningin lalo na kung may namumuong pawis at moisture sa mismong shield.

Binigyang-diin naman ng lokal na pamahalaan, dapat pa ring sumunod ang mga bikers sa health protocols gaya ng physical distancing, at dapat pa rin nilang isuot ang face shield kapag papasok sa mga pampublikong lugar.

Maliban sa Valenzuela, exempted din sa Pasig ang mga siklista na magsuot ng face shield habang nakasakay sa bisikleta.

Noong nakalipas na linggo, ipinag-utos ng gobyerno na required na ang pagsusuot ng face mask at full face shield sa mga public places upang makaiwas sa posibleng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ngayong holiday season.

Una nang sinabi ng Department of Health na kanilang ikinokonsidera ang pag-exempt sa mga solo-riding cyclist sa pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.

Nakatakda namang maglabas ang DOH at iba pang mga ahensya ng panahalaan ng isang joint administrative order kaugnay sa mga guidelines sa paggamit ng face shield.