-- Advertisements --
Clark stadium Capas Sea Games SEAG
World class New Clark City Athletics Stadium (photo by Bombo Bam Orpilla)

Pinag-aaralan na umano ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ang ilang mga posibilidad upang maibsan ang malubhang traffic sa kasagsagan ng 30th SEA Games dito sa bansa.

Ayon kay House Speaker at PHISGOC chairman Alan Peter Cayetano, kasalukuyan na umanong pinag-aaralan ng Presidential Security Group ang mungkahing paglalaan ng special lane upang gamitin para sa SEA Games.

Tinitimbang din umano ng PHISGOC kung kinakailangan pang magdeklara ng holiday sa ilang mga siyudad sa Metro Manila.

Paliwanag ni Cayetano, ayaw raw nilang maakusahan na inaabala ang mga atleta na posibleng maging dahilan sa pagbaba ng kanilang performance sa lalahukan nilang events.

“Remember, we have to treat the athletes well at ayaw na ma-accuse na na-hassle sila kaya naapektuhan ang performance nila. We have to show the 10 other countries participating ‘yong Filipino hospitality,” wika ni Cayetano.

Inaasahan din daw nila na libu-libong mga athletes, coaches, at spectators ang lalahok at manonood sa iba’t ibang mga torneyo ng SEA Games.

“Dito sa Southeast Asian Games, ‘pag na-control mo nga ‘yong traffic para sa atleta at coaches, paano naman ‘yong mga manonood? Alangan namang ipapa-commute natin sila ng 3 to 4 hours para manood ng one-hour game, ‘di ba? It’s really going to be a challenge,” ani Cayetano.

Nitong nakalipas na Miyerkules nang pangunahan nina Cayetano at Sen. Bong Go ang grupo ng mga mambabatas na naglibot at nagsiyasat sa sporting venues sa New Clark City Complex sa Capas, Tarlac.

SEAG athletes bong go ramon fernandez stadium
SEAG athletes with Sen. Bong Go and PSC Commissioner Ramon Fernandez (photo by Bombo Bam Orpilla)