Matatanggap na ng mga pensioner ng Social Security System (SSS) ang kanilang pension para sa buwan ng Disyembre at 13th month pension.
Ayon kay SSS president at chief executive officer Aurora Ignacio, pinoproseso na ang pondo upang mailipat sa Development Bank of the Philippines.
Matatanggap naman aniya ang ikalawang batch ng pension sa Disyembre 16.
Samantala, sa darating na Nobyembre 27 ay ire-release na rin ng SSS ang calamity loan package para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses, Rolly at Quinta.
Pero ayon sa SSS, kinakailangan na nasa state of calamity ang kanilang lugar.
“Ang calamity loan assistance package program po na ito ay kasama po ang calamity loan assistance, iyong loan, puwede po silang humingi ng three months advance pension para doon sa mga SSS pensioners ng SSS at saka EC pensioners; at puwede rin po silang umutang para sa direct house repair para sa kanilang nasalantang bahay,” wika ni Ignacio.
Puwede rin aniyang makapag-avail sa package ang mga miyembro na nakapaghulog ng kontribusyon sa loob ng 36 na buwan.
“Ang puwede po nilang mautang doon sa loan package na ito ay iyon pong kanilang katumbas na isang buwan na monthly salary credits na base po sa huling labindalawang monthly salary credits nila. Ira-round off natin ito sa nearest thousands. At ito po ay payable in two years,” dagdag nito.