LEGAZPI CITY- Naglabas ng sama ng loob ang alkalde ng Pio Duran sa Albay matapos na masisi ang lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagdami ng mga stranded passengers na patungong Masbate province.
Matatandaang hindi na pinapapasok sa island province ang mga residenteng hindi pa fully vaccinated laban sa COVID-19.
Ayon kay Pio Duran Mayor Allan Arandia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 260 na ang pasahero na stranded sa pantalan na umaasang makakauwi sa Masbate na mula sa Metro Manila.
Paliwanag ng Alkalde, gustong pabalikin ng provincial government ng Masbate ang mga ito sa kanilang pinagmulan bagay na inirereklamo ng mga biyahero.
Dagdag pa ni Arandia na ikinaaalarma ng mga kapwa opisyal na dumami ang kaso ng COVID-19 sa Pio Duran kung sa bayan maiimbak ang mga umuuwing indidbiwal mula sa Metro Manila.
Dahil dito, isa sa rekomendasyon ng Alkalde na maglatag ng mga tauhan ang Masbate sa Laguna o Quezon province na magpapabalik sa mga MasbateƱo na hindi pa fully vaccinated na planong umuwi sa lalawigan.
Ang lokal na pamahalaan kasi aniya ang pumapasan ng problema ng mga stranded passengers na nauubusan na ng budget at ikinababahala na baka magkasakit pa ang mga ito.
Suhestiyon pa ni Arandia na sa Masbate port na lang i-hold ang naturang mga pasahero at tuluyan ng kanselahin ang mga biyahe papuntang lalawigan upang maiwasan ang pagdagsa ng mga pasahero.