-- Advertisements --
BJMP New Bilibid Prison

ILOILO CITY – Magsisilbing tracker team at lead unit ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang mahuli ang mga bilanggong nabigyan ng Good Conduct Time Allowance na hindi sumuko sa loob ng 15 araw na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Philippine National Police chief General Oscar Alyalade, sinabi nito na ang mga bilanggong sumuko sa loob ng 15-day ultimatum ay ikukostudiya ng PNP at isasailalim sa medical examination bago dalhin sa jail facility na kanilang pinanggalingan.

Pagkatapos ng 15 araw, inihayag ni Albayalde na ang tracker team o ang Oplan Manhunt Charlie na ang tutugis sa mga maituturing na “fugitive.”

Ang Criminal Investigation and Detection Group ayon kay Albayalde ang may pinakamalaking papel sa manhunt operations at makikipag-ugnayan din sila sa international police upang mahuli ang mga bilanggo na nakalabas na ng bansa.

Kung tutuusin ayon sa PNP chief, walang kasalanan ang mga bilanggo dahil ang Bureau of Corrections ang nagsasagawa ng pagkalkula sa time credits.

Napag-alaman na tumungo sa lungsod ng Iloilo si Albayalde upang maging panauhing pandangal sa ika-118 taong police service anniversary.