Hindi magpapatinag ang militar sa COVID-19 scare, magpapatuloy pa rin ang kanilang combat operations laban sa mga teroristang Abu Sayyaf, lawless elements at mga ISIS inspired groups na nag ooperate sa Mindanao.
Siniguro ni Wesmincom commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na may mga safety measures silang ipinatutupad ngayong may iniulat na ang DOH ng local transmission ng nasabing virus.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana sinabi nito gumagamit na rin sila ng mga facial mask, iniiwasan na rin nila ang handshake at ang mga matataong lugar kung kinakailangan.
Pinasisiguro rin ni Sobejana na malusog ang mga sundalo lalo na ang mga nasa combat area.
Pero kung military operation ang pag-uusapan tuloy-tuloy pa rin ito sa kabila ng banta ng nasabing deadly virus.
Giit ni Sobejana, ayaw nilang malusutan ng mga masasamang elemento na posibleng mag-take advantage sa COVID-19 virus scare.
Sa ngayon patuloy ang normal routine activities ng militar sa Mindanao.
Maging ang isinasagawang civil military operation o humanitarian mission ay hindi itinigil ng militar.
Una nang binisita ni Sobejana ang Patikul,Sulu na kilalang stronghold ng teroristang Abu Sayyaf.
Tiniyak ng heneral na nagpapatuloy ang kanilang search and rescue effort para sa dinukot na mga Indonesian fishermen at isang Pilipinong doktor.
“Well kailangan kasi natin tuloy-tuloy yung security operations para assured ang lahat na walang makasingit ns mga lawless elements na gagawa ng hostilities dito sa area, so yun gumagamit tayo ng mask, tapos kung maaari iwasan yung crowd, iniiwasan natin, pero sa ginagawa nating security operation wala tayong pinipili kung kinakailangan puntahan yung lugar. It would not hamper our security effort kasi ang pakay natin masecure ang bawat isa,” pahayag pa ni Lt. Gen. Sobejana.