Wala nang plano ang pamunuan ng Police Regional Office- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BAR) na magsampa ng kasong obstruction of justice laban sa mga sundalong rumisponde sa shooting incident kung saan binaril patay ng siyam na pulis ang apat na sundalo.
Ang uang pahayag ng PNP BAR ay dahil sa CCTV footage na kumakalat ngayon sa social media kung saan nakita ang mga armadong katao na naka sibilyan at ginagalaw ang crime scene.
Hindi nagtagal kinumpirma ng Philippine Army na mga sundalo ang nasa video na siyang first responder sa insidente.
Kitang-kita kasi sa CCTV footage ang mga sundalo na pinakiki-alaman ang crime scene na unang tinukoy na mga pulis.
Ayon kay PNP BARRM Regional Director BGen Manuel Abu, inisyal na plano nito na magsampa ng kaso sa mga sundalo.
Pero nagbago ang kanyang isip at nagdesisyon na ipaubaya na lamang ito sa National Bureau of Investigation (NBI) lalo na at napagkasunduan na ng PNP at AFP na NBI na ang mag-iimbestiga sa kaso.
Giit ni Abu ayaw na niyang maka impluwensya sa ginagawang pagsisiyasat dahil lamang sa kanyang planong pagsasampa ng kaso.
Una ng inihayag ng Philippine Army na mga sundalo ang rumesponde sa crime scene matapos makatanggap ng impormasyon na may nangyaring shooting incident.
Wala silang naabutang mga pulis kaya nakialam na sila sa crime scene.
Pero sa unang pahayag ni Abu nasa paligid lamang ang mga pulis, hindi makalapit dahil bumuhos ang presensiya ng mga Army at galit na galit dahil sa insidente.