BAGUIO CITY – Inimbitahan sa himpilan ng Abra-Philippine National Police ang dalawang grupo ng magkalabang kandidato na tuluyang nagsuntukan habang nasa Patucannay Elementary School sa Bangued, Abra, kaninang umaga.
Batay sa inisyal na report na nakuha ng Bombo Radyo, pumasok sa nasabing paaralan ang grupo ng mga supporters ng isang politiko kung saan dito nagkaroon ng pagtatalo sa grupo ng mga supporters ng kalabang politiko.
Napag-alaman na ang isang grupo ay supporters ni incumbent Governor Maria Jocelyn Valera-Bernos habang ang isang grupo ay sa panig ni dating Bangued mayor Ryan Luna.
Nagresulta ito sa komosyon kung saan dalawang katao ang sugatan.
Kaagad namang lumabas ang mga botante dahil sa takot sa mas malalang sitwasyon bago pa man nagresponde ang mga pulis at militar sa Patucannay Elementary School.
Sa ngayon, ipinag-utos na rin ng nakakataas na opisyal ng pulis ang paghuli sa lahat ng mga masasangkot sa anomang gulo sa loob ng mga polling centers.
Kinumpirma naman ito ni Bangued Election Officer Atty. John Paul Martin ngunit tumanggi munang magbigay ng karagdagang impormasyon.
Samantala sa bayan ng Lacub, Abra, isang mayoralty candidate ang nag-withdraw ng kanyang kandidatura.
Nakilala itong si Ramy Abdul Bersamina Hasme na umatras sa pagka-alkalde kaninang alas-7:00 lamang ng umaga.
Sa ngayon, patuloy ang pagkuha ng Bombo Radyo ng kumpirmasyon sa impormasyon.