DAVAO CITY – Nabuhayan na naman ngayon ng pag-asa ang mga supporters ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte matapos nga itong mag-withdraw ng kanyang Mayoralty race sa 2022 national at local elections.
Pasado alas-2:00 kaninang hapon ng dumating sa Commission on Elections (Comelec) Davao si Mayor Inday kung saan kanyang sinabi na umatras na ito at si Vice Mayor Baste Duterte ang papalit sa kanya.
Una nito, ni-nominate rin ni Baste si Councilor Atty. Melchor Quitain Jr. na papalit naman sa kanya sa Vice Mayoralty race.
Hindi na nagbigay pa si Mayor Inday ng dagdag na impormasyon matapos itong lumabas sa opisina ng Comelec office partikular na sa District 2 ng lungsod at agad na rin itong umalis.
Una nito ay nanumpa na rin si Baste na bagong miyembro ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) mula sa local party nito na Hugpong sa Tawong Lungsod ito ay para hindi ma-disqualify ang kanyang substitution kay Mayor Inday.
Pumunta rin sa Comelec si Davao Occidental Governor Claude Bautista na chairman naman ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) at ito ang nanguna sa isinagawang panunumpa ni Baste.
Samantalang hindi naman napigilan ni Mayor na maging emosyonal habang nakipag-usap sa mga empleyado ng City Hall Davao patungkol sa kanyang naging desisyon.