LA UNION – Isa rin sa mga apektado ng patuloy na pagsailalim sa enhance community quarantine sa bansa ang mga surfers sa La Union ang tinaguriang surfing capital of the Philippines na nasa Barangay Urbiztondo, San Juan, La Union.
Aminado ang mga ito na dahil sa nakasara ang mga surf schools at walang mga turista na bumibisita ay bagsak ngayon ang kita ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay La Union Surf Club president Ian Saguan, sinabi nito na nasa ikatlong batch na ang ginagawa nilang pagbibigay ng relief goods sa mga miyembro ng mga ito.
Hakbang nila ito upang matulungan ang mga miyembro na apektado.
Sa ngayon, umabot na sa 600 ang mga naipamahagi nilang food packs sa 200 na members ng mga ito.
Sinabi ni Saguan na magtutulungan sila ngayon panahon ng krisis hanggang sa makabangon at bumalik sa normal ang sitwasyon.
Nagpasalamat din ang mga ito sa natanggal nilang relief pack mula sa local government units at iba pang donasyon.
Kung maalala, aabot sa 22 ang surf schools na isinara kasabay ng ECQ sa nabanggit na bayan.