-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Nasa kustodiya na ng mga pulis ang dalawang mga lalaki na nagpasimula ng sunog sa pension house sa lungsod ng Bacolod nitong Martes ng madaling-araw kung saan anim ang patay at apat ang sugatan.

Ang mga suspek na sina Rodolfo Inson alyas Onyok, 23-anyos ng Libertad Market, Barangay 40, Bacolod City; at Venancio Valeriano alyas Noy Lumot, 27-anyos ng Purok Kalubihan, Barangay Amayco, Murcia ay nahuli sa pagtutulungan ng Bacolod Police Station 1 at Murcia Municipal Police Station kaninang umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Jovil Sedel, commander ng Police Station 1, si Inson ay nahuli sa Barangay 27, Bacolod City; samantalang nahuli sa Purok Kalubihan, Barangay Amayco, Murcia ang kasama nito na si Valeriano.

Ayon sa rekord ng pulis, may mga kaso rin ang dalawa sa Bacolod at Murcia.

Sa panayam naman kay Rodolfo Inson, helmet lang ang kanilang kinuha mula sa motorsiklo.

Ngunit dahil wala silang dalang kutsilyo, napilitan ang kanilang kasama na hindi pa nahuhuli hanggang ngayon na sunugin ang strap nito at kanilang iniwan ang motorsiklo.

Habang papalayo ang mga ito sa pension house, isang malakas na pagsabog ang kanilang narinig at nangyari na pala sa kanilang pinanggalingan hanggang sa lumaki ang sunog.

Ayon kay Inson, naibenta nila ang ninakaw na helmet sa halagang P150.

Inamin naman nito na nakonsensya rin ito sa kanilang ginawa dahil anim ang namatay.