-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Alitan sa pamilya ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa nangyaring pamamaril sa magkakamag-anak sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jay-ar Diaz,22 anyos, Jaime Maningula Jr,17 at Bonbon Diaz,27, sugatan naman sina Aljun Mokudef, Alvin Ampang, Jaymark Mukudef, Michelle Victoriano isang buntis, Christopher Sayas at Ariel Diaz,mga residente ng Barangay Edcor Buldon Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Donald Madamba na nagkakasayahan (vedioke) ang mga biktima sa harap ng kanilang tahanan ng biglang dumating ang mga hindi kilalang suspek at itoy pinagbabaril gamit ang M16 Armalite rifles.

Mabilis namang tumakas ang mga armadong kalalakihan patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Buldon.

Patay ang tatlo sa mga biktima habang naisugod sa isang pagamutan sa Pigcawayan Cotabato ang anim sa mga nasugatan.

Mariin namang kinondena ni Buldon Mayor Abolais Manalao ang pamamaril sa mga biktima at iniutos sa pulisya ang malalimang imbestigasyon.

Sa ngayon ay may mga person of interest nang sinusundan ang Buldon PNP sa pamamaril sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.