Sumailalim na sa inquest proceedings ang tatlong suspek sa kidnapping incident ng Filipino-chinese businessman sa Valenzuela City na si Anson Que at pagpatay rin sa driver nito na si Armanie Pabillo nitong Sabado, Abril 19.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nahaharap ang mga suspek sa dalawang kaso ng kidnapping for ransom with homicide na siyang naging desisyon sa naging proceedings na isinagawa sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) kamakailan lamang.
Napagalaman at lumalabas kasi sa imbestigasyon na talagang pinaplanuhan ang insidente simula pa lamang Enero nitong taong kasalukuyan.
Ayon sa PNP, malaking tulong ang naging mga surveillance footages sa mga lugar para matukoy ang mga suspek na ngayon ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya.
Samantala, dalawang ‘principal’ suspects pa ang patuloy na hinahanap ng PNP kung saan tiniyak naman ng kanilang tanggapan na nagpapatuloy ang kanilang mga imbestigasyon at operasyon upang mahuli at matunton ang mga natitirang suspek sa kaso.