-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong isasampa sa mga suspek na nasa likod ng pagpapasabog sa isang kainan sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat noong Miyerkules.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Isulan Police Station chief Lt. Col. Junie Buenacosa, kakasuhan ng frustrated homicide at frustrated murder ang mga nasa likod ng pamomomba sa Carlitos Restaurant sa Barangay Kalawang 2.

Ayon kay Buenacosa, nakatakda na ring isapubliko ng Special Investigation Task Group (SITG)-Carlitos ang lahat ng detalye sa nasabing pag-atake na ikinasugat ng 18 katao.

Samantala, ilan sa mga itinuturong responsable sa pamomomba ay Dawlah Islamiya Group ni Abu Toraife at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Sa ngayon, patuloy din ang panawagan ng PNP sa publiko na wag isawalang bahala ang mga natatanggap na pagbabanta at agad na makipag-ugnayan sa kanila upang hindi na maulit pa ang nagyaring pamomomba sa Isulan.

Una rito, nakatanggap ng pagbabanta ang may-ari ng restaurant na pasasabugin ang lugar kung hindi magbibigay ng extortion money.