Sinampahan na ng kasong mulitple murder, multiple frustrated murder at damage to property ang mga suspek sa likod ng madugong Jolo cathedral twin bombing sa Provincial Prosecutor’s Office ng Sulu.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Hatib Hajan Sawadjaan; Usman Absara alyas Usman; Barak Ingog alyas Bars/Barak; Makrim Habisi alyas Makrim; Kammah Pae alyas Kamah; Albadji Gadjali alyas Awag; Radjan Gadjali alyas Radjan; Kaisar Gadjali alyas Issal; Said Alih alyas Papong; Absara alyas Bapah Absara; alyas Ebing; at ilan pang mga “John and Jane Does.”
Target din ngayon sa pinalakas na opensiba ng militar at pulisya ang 14 na mga suspek.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, kabilang sa kanilang tinutugis ngayon ay si Hatib Hajan Sawadjaan, ang lider ng teroristang Abu Sayyaf na nag-pledge ng alyansa sa teroristang ISIS.
Kasama rin sa hinahanap ngayon sina Habbisi; Ingug; Usman; isang alias Arab Puti at limang John Does.
Una nang napatay sa inilunsad na opensiba ang kanilang kasamahan na si Ommal Yusop.
Positibong tinukoy ng apat na mga kasamahan ni alias Kamah isa siya sa nasa likod ng Jolo twin bombing, ngunit hindi nito inamin na may partisipasyon ito sa pagsabog.
Sinabi ni Albayalde, ang kanilang pinanghahawakan sa ngayon ay ang mga testimonya at ebidensiya laban kay alyas Kamah.