DAGUPAN CITY – Pinangalanan na ang mga suspek na nasa likod ng pag-ambush sa convoy ni dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr. na ikinasawi ng bodyguard at driver nito noong September 11 sa Brgy Magtaking, San Carlos City.
Sa isinagawang press conference, inihayag ni PNP Region I director Brig. Gen Joel Orduna, na base sa mga nakalap nilang testimonya, mga actual footages na nakuha sa pinangyarihan ng insidente at mga nakalap pang ebidensiya ay kinasuhan na ng patong patong na kaso ang 21 mga suspek, kung saan 11 sa mga ito ay natukoy na.
Kinasuhan ng two counts of murder at four counts ng frustrated murder ang isinampa sa mga suspek na sina Albert Palisoc, Armando Frias, Benjie Resultan, Joey Ferrer, Ronnie Delos Santos, Gerry Pascua, Sherwin Diaz, Teofilo Ferrer, isang nakilalang Resueller, Jewel Castro, John Paul Regalado, Alvin Pascaran at John Does.
Matatandaan na noong September 11 sakay si Espino ng Toyota Land Cruiser SUV kasama ang kanyang driver na si Agapito Cuison at Jayson Malsi habang ang kanyang back-up security ay sakay naman ng black Toyota Innova na minamaneho ni Anthony Columbino at kasama sina Police Staff Sgt Richard Esguerra at Kervin Marfori at patungo sanang Brgy. Ilang, nang sila ay pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspeks na armado ng mga mahahabang armas.
Agad na nasawi ang bodyguard na si Esguerra habang si Cuison, ang driver na nakapagtakbo sa dating kongresista sa pagamutan ay binawian din ng buhay makalipas ang isang araw na pananatili nito sa pagamutan.