-- Advertisements --
PMA
PMA

BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang pagsusuri ng Philippine Military Academy (PMA) kung isasailalim sa court martial proceedings ang pitong mga kadeteng suspek sa pag-hazing kay Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ayon kay Captain Cheryl Tindog, bagong spokesperson ng PMA, ito ay dahil may isasagawa pang imbestigasyon o fact-finding para sa nasabing hakbang.

Sinabi naman ni Brigadier General Romeo Brawner Jr., commandant of cadets ng PMA na gusto ng akademya na isailalim ang mga nasabing kadete sa ilalim ng court martial proceedings.

Aniya, ito ay dahil ang mga kadeteng nasampahan ng kaso dahil sa pagkamatay ni Cadet Dormitorio ay nasa kustodiya pa rin ng PMA at hindi pa sila pormal na pinapalabas ng akademya.

Sinabi niya na para ma-discharge ang mga nasabing kadete ay iminungkahi nila na magkaroon ng general court martial dahil hawak pa nila ang kustodiya ng mga ito.

Una nang sinabi nito na hindi pa naipapasakamay sa mga pulis ang mga suspek na kadete dahil wala pang warrants of arrest ang mga ito mula sa korte.

Maaalalang noong Martes ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law at Anti-Torture Law at murder ang pitong kadeteng pinangungunahan ni Cadet First Class Axl Rey Sanopao dahil sa pagpapahirap nila kay Cadet Dormitorio.