-- Advertisements --
MH17 debris
MH17 debris

Inilabas na ng Dutch prosecutors ang mga pangalan ng mga nasa likod ng pagpapabagsak ng Malaysian Airline flight MH17.

Tatlong Russian at isang Ukrainian ang siyang nanguna sa pagpabagsak ng eroplanong mula Amsterdam patungong Kuala Lumpur noong July 2014.

Sa ibinunyag ng Dutch-led joint investigation, kinilala ang mga ito na sina Igor Girkin, Sergei Dubinsky, Oleg Pulatov na pawang mga taga Russia at isang Ukrainian na si Leonid Kharchenko.

Naglabas na ng international arrest warrant kung saan magsisimula sa March 9, 2020 ang pagdinig sa kaso.

Sa apat na suspek, itinuturing na si Igor Girkin ang siyang kilala na dating colonel sa Russia’s FSB intelligence service.

Naging minister of defence sa rebel-held Donestsk city ng Ukraine.

Sinabi ni Dutch Chief Prosecutor Fred Westerbeke, na bagamat hindi sila ang nagpindot ng missile launcher para pabagsakin ang eroplano ay malaki ang kanilang naging papel sa nasabing insidente.

Unang lumabas sa imbestigasyon ng Dutch Safety Board na tinamaan ng Buk missile ang nasabing eroplano para ito ay tuluyang mawasak sa ere.

Sinasabi rin ng mga nag-imbestiga na galing sa 53rd Anti-Aircraft Missile brigade ang nasabing ginamit na missile.

Nilinaw naman ni Kremlin spokesman Dmitry Peskov na hindi sila nabigyan ng tsansa na makibahagi sa imbestigasyon.

Napapaloob din sa Article 61 ng Russian constitution na walang sinumang kanilang mamamayan ang maaaring ma-extradite sa ibang bansa.

Nanawagan naman si United Kingdom Foreign Secretary Jeremy Hunt na dapat makibahagi ang Russia sa gagawing imbestigasyon ng prosecution na napapaloob sa UN Security Council resolution 2166.