-- Advertisements --

Naglunsad na ng manhunt operations ang Philippine National Police (PNP) laban sa mastermind at sa iba pang mga suspek sa pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Walong suspek ang tinukoy ng PNP sa krimen kung saan lima rito ay batid na ang pagkakakilanlan, habang ang tatlong iba pa ay nasa kustodiya ng PNP Region 3.

Kakasuhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ng murder ang mga salarin sa insidente.

Kinilala ni PNP chief Oscar Albayalde ang utak sa krimen na si Christian Saquilabon, isang contractor sa Nueva Ecija na nakaalitan ni Mayor Bote kaugnay ng P96-million Minalungao Tourism Reservation Park.

Sa press briefing, idinitalye ni PRO-3 director C/Supt. Amador Corpus ang mga circimstances kung paano nila natunton ang mga mga suspek.

Ipinakita din nito ang link diagram ng mga suspeks kung saan patuloy pang tinutukoy ang isa pang individual na maaring isa pang mastermind.

Inihayag pa ni Corpus na nakipag-ugnayan na sila sa Iglesia ni Cristo dahil halos lahat ng suspek ay miyembro ng nasabing relihiyon.

Nilinaw naman ng PNP na walang kinalaman ang relihiyon sa krimen.

Sinabi ni Corpuz, nakatanggap siya ng mensahe mula sa pamunuan ng INC na tiniwalag na ang mga suspek na sangkot sa krimen.

Samantala, pinuri naman ni PNP chief ang mga pulis na nag iimbestiga sa kaso ni Mayor Bote at Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.

Ayon kay Albayalde, dahil sa tulong at kooperasyon ng komunidad kaya nagawa nilang matuntom ang mga suspek na nasa likod ng insidente.

Sa kaso naman ni Mayor Halili, may magandang development na raw na sinusundan ang mga imbestigador kaugnay sa kaso ni Halili.