-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Natukoy na ng kapulisan ang mga suspek sa pamamaril-patay sa 13-anyos na binatilyo sa bayan ng Villasis dahil sa mistaken identity.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Glenn Dulay, Chief of Police ng Villasis Municipal Police Station, sinabi nito na natukoy na nila ang dalawang mga suspek na kung saan isa dito ang gunman at isa ang driver ng motor na kanilang lulan at ginamit sa pagtakas.

Pagbabahagi nito na maituturing aniya na maganda ang development ng kaso sa ginawang pamamaril sa 13-anyos na biktima na kinilalang si Charles Edward Serquiña na napagkamalan umano ng mga suspek na kanilang nakaaway.

Sa kanilang isinagawang imbestigasyon at sa tulong na rin aniya ng mga witness sa krimen, ay tukoy na nila ang pagkakalilanlan ng mga suspek na galing pa ng ibang bayan, subalit hindi pa nila ito pinangalanan dahil nililitis pa ang mga ito sa korte. Kanilang napagalaman na bago ang insidente ay nagkaroon ng kaguluhan sa kabilang zone na kinasasangkutan ng mga nasabing suspek na kanilang sinundan bilang anggulo sa krimen.

Matatandaan na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima sa isang lamayan noong September 15 matapos itong mapagkamalan ng mga suspek na kanilang nakaaway, kung saan ay nasugatan din ang 2 iba pang mga indibidwal na sa ngayon ay nasa maayos ng kalagayan.

Dagdag ni Dulay na posibleng maharap sa kasong murder at 2 counts ng frustrated murder and dalawang suspek sa oras na mapatawan sila ng kaparusahan ng korte. Maliban pa rito ay maaari rin silang mapatawan ng kasong may kaugnayan sa paglabag sa Commission on Elections Gun Ban kung makumpiska sa kanilang pangangalaga ang baril na nagamit nila sa krimen.

Sa kasalukuyan ay wala pa sa kustodiya ng kapulisan ang mga suspek hangga’t hindi pa naisasampa ang kaso laban sa mga ito, at kapag nailabas na ito ng korte ay bibigyan sila ng pagkakataon na magpaliwanag o mag-file ng kanilang counter affidavit.

Paalala naman nito sa publiko, lalong lalo na sa mga magulang na huwag na lang hahayaan at papayagan na lumabas ang mga anak, at mag-ingat sa pagtungo sa mga matataong lugar kung saan maaaring mangyari ang mga ganitong insidente.

Inabisuhan din nito ang mga indibidwal na may hawak na na baril na itago na lamang ang mga ito sa panahon ng eleksyon dahil may ipinaiiral na Gun Ban, o ‘di naman kaya’y i-surrender sa kanilang himpilan upang hindi na magamit sa anumang krimen.