Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mananagot ang mga suspek na nasa likod ng pamamaril sa broadcast center ng Bombo Radyo sa lungsod ng GenSan.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Bernard Banac, nakatutok ang PNP national headquarters sa development ng nasabing kaso.
Aniya, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa ngayon ng Gensan Police Station para matukoy kung sino ang nasa likod ng pamamaril.
“Agad namang rumesponde ang General Santos Police Office para tugisin ang mga suspeks na nagsagawa nitong pamamaril at mapanagot sila sa kamay ng batas, sa ngayon patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para malaman ang motibo,” pahayag ni Banac.
Samantala, mahigpit naman ang naging direktiba ni PNP chief P/Gen. Oscar Albayalde sa mga police commanders na siguraduhing mapanagot ang mga suspek at matiyak ang kaligtasan ng mga miyembro ng media at maging ng kanilang mga opisina at broadcast centers nito.
“Paalala po ng ating PNP Chief na si P/Gen. Oscar David Albayalde sa lahat ng mga police commanders na paigtingin ang seguridad sa mga kasamahan natin sa media at maging ang physical security ng mga radio stations, makakaasa po ang mga kasamahan natin sa media na ang proteksiyon ng PNP ay nariyan po palagi at tayo po ay palagi magbabantay,” ani Banac.