-- Advertisements --
Ronda 6

CENTRAL MINDANAO – Nasa ligtas na ang kalagayan ang deputy provincial prosecutor ng Maguindanao habang nasa maselang kondisyon ang dalawang kasamahan niya dahil sa nangyaring pananambang sa Cotabato City.

Una nang nakilala ang mga biktima na sina Attorney Tucod Ronda, deputy provincial prosecutor ng Maguindanao at dalawang kamag-anak nito na sina Abol Taya Ronda at Nestor Ronda, mga residente ng Purveyors Subdivision, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City.

Matatandaan na habang sakay ang mga biktima sa isang Toyota Grandia na may plakang PN 030105 mula sa Mosque sa Friday Congregational prayer papauwi na ng kanilang tahanan ngunit pagsapit nila sa Penafrancia Village, RH 11 ng lungsod ay bigla itong tinambangan ng mga hindi kilalang suspek gamit ang M16 armalite rifles at caliber .45 pistol.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng kulay puti na Toyota Innova patungo sa liblib na lugar sa siyudad ng Cotabato nang paputukan sila ng mga residente sa lugar.

Nagawa pa ni Abol na patakbuhin ang kanilang sasakyan patungo sa pagamutan.

Nasa maselang kondisyon sina Abol at Nestor na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Habang nasa ligtas ng kalagayan si Atty Ronda na may tama ng bala sa kanyang tagiliran.

May mga tao nang pinagdududahan ang pamilya ng mga biktima na posibleng may kinalaman sa insidente.

Marami raw ang naniniwala na maaring may kinalaman sa trabaho ni Ronda ang motibo sa pananambang.

Sa ngayon ay may mga person of interest na iniimbestigahan ang Cotabato City PNP sa naturang pangyayari.