Kinumpirma ng PNP Highway Patrol Group (HPG) na unti-unti nang umaatras sa kaso ang mga complainant sa “rent-sangla” scam kung kaya’t lumalaki ang posibilidad na makaliligtas sa kaso ang mga suspek.
Ayon kay Police Senior Inspector Jem Delantes ng PNP HPG, kapag nabawi na ng mga complainant ang kanilang mga sasakyan ay umaatras na sila sa kaso.
Sinabi ni Delantes na siyam na ang umatras sa kaso sa kanila sa Special Operations Division ng Task Force.
Nais sana ng HPG na maipursige ang kaso upang maturuan ng leksyon ang mga sangkot sa naturang scam.
Kasong estafa lamang na may piyansang P40,000 ang kinakaharap ng mga suspek.
Sa ngayon ay nasa 80 porsyento na ang naibabalik sa mga may ari ang mga sasakyan sa rent-sangla scam o kaya ay binawi na ng mga bangko o financial institutions.
Kabilang sa mga suspek sa sindikato ng nito ay sina Rafaela Anunciacion, Tychicus Nambio, Eleanor “Leah” Rosales, Jennelyn Berroya at Anastacia Cauyan.