-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Sinampahan na ng kasong robbery ang tatlo sa 11 suspek sa pagholdap sa dalawang jewelry stores sa Lungsod ng Bacolod nitong Agosto 7.

Kinilala ni Bacolod City Police Office director Police Colonel Henry Biñas ang mga kinasuhan na sina Marlon Parojinog, Philip Bonn Rabanes at Kenneth Bonon, na pawang mga residente ng Ozamis City, Misamis Oriental.

Si Parojinog ang tinuturong lider ng grupo.

Ayon kay Biñas, planado ng grupo ang pag-atake sa F and C at Haoling jewelry stores sa Gaisano Grand Mall sa Barangay Sincang Airport.

Sa inisyal na imbestigasyon, galing lamang sa kalapit na rehiyon ang grupo at unang dumating sa northern Negros Occidental at lumalabas sa southern portion.

Kilala ang apelyidong Parojinog sa isyu ng illegal drugs sa Ozamis City at ayon kay Biñas, dahil sa drug campaign ng pamahalaan kaya lumipat ang mga ito sa panghohold-up.

Isa sa tinitingnan rason ng city director kung bakit umatake sa lungsod ang grupo ay ang matinding kampanya ng gobyerno laban sa iligal na druga.

Inilabas naman ng Bacolod police ang litrato ng mga suspek dahil sa posibleng pag-atake na naman ng mga ito sa Cebu.

Nabatid na umabot sa P4.5 million ang halaga ng mga alahas na natangay ng mga suspek sa dalawang jewelry stores.