KALIBO, Aklan – Upang hindi matulad sa kalbaryo ngayon ng mga taga-Italy, mahigpit na tumatalima ang mga mamamayan sa California ang abiso ng pamahalaan na “mandatory stay at home” order.
Ayon kay Bombo International Correspondent Marlyn Maming na tubong Banga, Aklan, kasunod ito ng ipinatupad na lockdown sa buong estado.
Hindi rin niya naiwasang punahin ang mga Pilipino na kahit naka-lockdown umano ang Luzon ay marami pa rin ang pasaway, subalit nauunawaan umano niya ang hinaing ng mga ito.
Hindi katulad sa Amerika na todo ang suporta sa mga mamamayan, kung saan, sa darating na Abril 6 aniya, inaasahang makakatanggap sila ng cash assistance mula sa pamahalaan.
Nagkakaubusan rin umano ngayon ng mga panindang disinfectant cleaners, wipes, face masks, hand sanitizers, alcohol , thermometers, gloves at kahit ang toilet paper dahil sa panic buying.
Sa kabilang dako, nabalitaan rin umano nila ang apela ni California Governor Gavin Newsom kay US President Donald Trump na magpadala ng Navy hospital ship sa Los Angles port bilang paghahanda sa worst case scenario.