TUGUEGARAO CITY – Binigyan-diin ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na aarmasan niya ang mga residente ng Fuga Island sa Aparri, Cagayan, kung papaalisin ang mga ito.
Reaksyon ito ni Mamba sa plano ng Chinese investors na gawing “Smart City” ang isla.
Nilinaw ni Mamba na hindi siya tutol sa development ng isla subalit kailangan na manatili ang mga residente ng Fuga na nasa mahigit 2,000.
Ayon sa gobernador, dapat maging bahagi pa rin ng development sa isla ang mga residente na mga squatters kahit pa ito ay privately owned ng Burgundy Corporation.
Hindi naman aniya kasi buong isla ay pag-aari ng nasabing corporation.
Idinagdag pa ni Mamba na sinisikap naman nilang matulungan ang mga ito subalit hindi sila makagalaw dahil sa kontrolado ito ng may-ari.
Sa kabila nito, sinabi niya na may ibinigay na silang resolusyon sa Department of Agrarian Reform upang mai-award sa mga residente ang kanilang mga lupa na matagal na nilang tinitirhan.
Ang proyekto ay bahagi lamang ng 19 business deals na nilagdaan nang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa China noong Abril.