Hindi mahulugang karayom ang mga pumunta sa isinagawang rally nitong Linggo, Marso 16, sa Davao City upang ipakita ang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang ito’y nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Mahigit 30,000 na mga taga-suporta ng dating pangulo ang nagtipon para sa isang solidarity walk bilang pag-tutol sa kanyang kamakailang pag-aresto kaugnay sa umano’y mga kasong crimes against humanity sa kanyang madugong ‘war on drugs’.
Nagsimula mag-martsa ang mga taga-suporta ni Duterte sa CM Recto street at nagtapos sa San Pedro Square na sinundan naman ng prayer rally.
Habang suot ng mga ito ang itim na t-shirt bilang pagpapakita na sila ay nagdadalamhati. Bitbit din ng mga lumahok sa rally ang mga banner na may mensaheng ‘I STAND WITH FPRRD’ at ‘BRING FPRRD BACK HOME’.
Maalalang noong Sabado pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang mga pagsusumikap upang ipagtanggol ang kanyang ama na nagdulot naman ng mga diskusyon hinggil sa sa mga pananagutan ng dating Pangulo.
Nitong linggo sinabi ng pambansang kapulisan na nakabantay ang kanilang hanay hinggil sa mga aktibidad na ginagawa ng mga taga-suporta ni FPRRD at sinabing naging maayos ang rally at ‘walang naitalang major untoward incidents.
Kahapon matatandaan na nagsimula ang rally sa isang motorcade sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila, at sinundan ito ng vigil at interfaith prayer.
Samantala, unang nasilayan si FPRRD sa ICC noong Biyernes via video link mula sa isang detention center kung saan sa ginanap na hearing, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang kanyang pagkakakilanlan at tiniyak na lubos na naunawaan ang mga kasong iniuugnay laban sa kanya at ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Rome Statute ng ICC.
Habang itinakda naman ng chamber ang susunod na hearing para sa confirmation ng mga kaso ni Duterte sa Setyembre 23, 2025.