-- Advertisements --

Wala umanong dapat ikabahala ang mga estudyante maging ang pamunuan ng University of the Philippines (UP) sa isyu ng academic freedom kahit tinuldukan ng ng Department of National Defense (DND) ang kasunduang nagbabawal sa mga sundalo at pulis sa pagpasok sa loob ng UP campuses.

Ayon kay Office of the Solicitor General Spokesperson for the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC), Gabriel Villanueva, magagawa pa rin daw ng mga taga-UP ang kanilang gusto kahit wala na ang kasunduan.

Aniya, malaya pa rin naman ang UP na mamili kung ano ang kanilang ituturo, kung paano nila ito ituturo sa klase maging kung sino ang kanilang tatanggaping mag-aral sa prestihiyosong institusyon.

Paliwanag ni Villanueva, ang academic freedom ay karapatan ng paaralan o kolehiyo na mag-desisyon para sa kanilang institusyon, maging ang kanilang pakay at objectives at kung paano mapapanatili na malaya sila sa outside coercion o interference.

“UP will still be able to execute these rights even in the absence of such agreement – UP is still free to choose who may teach, what is taught, how such lessons are taught in class, as well as who may be admitted to such a prestigious institution. ‘Academic freedom’ is right of the school or college to decide for itself, its aims and objectives, and how best to attain them free from outside coercion or interference save possibly when the overriding public welfare calls for some restraint. (NTF ELCAC),” ani Villanueva.

Hindi naman daw maitatanggi na ang paaralan pa rin ang nasusunod sa pagbibigay ng standards para sa kanilang mga guro at madetermina kung ang mga standards na ito ay alinsunod sa academic freedom at educational institution pa rin ang may karapatang mamili kung sino ang magtuturo sa mga nais nilang ituro sa mga estudyante.

Siniguro naman ni Villanueva na kahit mayroong agreement termination, malaya pa rin ang mga taga-UP na magsawaga ng mapayapang protesta at mga pagtitipon.

Ang kalayaan daw sa pagsasagawa ng peaceful assembly at protest ay nananatiling intact dahil ito ay nasa constitution at wala sa agreement.

Ipinunto rin ni Villanueva ang sinabi ni DND Sec. Delfin Lorenzana na hindi raw intensiyon ng gobyerno na mag-assign ng military o police personnel sa loob ng UP campuses para katakutan dahil magsisilbi ang mga itong proteksiyon ng lahat ng nasa loob ng paaralan.

Bilang  Solicitor General Spokesperson for the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC), sinabi ni Villanueva na hindi lamang ang UP ang ginagawang hotbed ng recruitment ng New People’s Army (NPA) kundi mayroon ding ibang mga paaralan ayon daw sa mga rebeldeng nagbalik loob na sa pamahalaan.