-- Advertisements --

Inihayag ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela na posibleng mga sundalong nagpapanggap bilang mga mangingisda ang mga tauhan ng China lulan ng mga idineploy nitong Maritime Militia vessels sa West Philippine Sea.

Ito ang sinabi ng naturang opisyal sa isang pahayag kung saan ipinunto rin niya ang pagiging bahagi ng mga Chinese Maritime Militia vessel sa Chinese Military Commission.

Ayon kay Commo. Tarriela, ito ang dahilan kung bakit hindi sang-ayon ang Philippine Coast Guard na nadagdagan pa ang pagde-deploy ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea bilang mga force multipliers.

Hindi kasi aniya gugustuhin ng pamahalaan na ikompromiso ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.

Paglilinaw ni Tarriela, hinihikayat ng pamahalaan ang mga Pilipinong mangingisda na i-maximize ang kanilang mga resources sa WPS ngunit hindi para i-develop pa ang kapabilidad ng mga ito bilang mga Force multipliers.

Samantala, sa darating na Mayo 15, 2024 ay nakatakdang isagawa ng civilian society group na Atin Ito Coalition ang kanilang 100-boat civilian mission sa Panatag Shoal kung saan plano nitong magpaabot ng tulong at ilang kagamitan sa mga kababayan nating mangingisda na naglalayag sa naturang bahagi ng WPS.