Maaari nang magsuot ng light uniforms sa kanilang mga trabaho ang mga tauhan ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology dahil sa matinding init ng panahon.
Ang kautusang ito ay inilabas sa pamamagitan ng isang urgent memorandum na naka-address kina PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, BFP Director Louie Puracan, at BJMP Chief Ruel Rivera.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., layunin nitong mabigyan ng mas maalwan na working conditions ang naturang mga uniformed personnel sa gitna ng mataas na heat index na nararanasan ngayon sa buong bansa na dulot ng El Niño phenomenon.
Kaugnay nito ay binigyang-diin din ng kalihim na ang kapakanan ng mga uniformed personnel ang mahalaga lalo na sa kanilang pagtupad sa kanilang mga sinumpaang tungkulin sapagkat marami ng panganib ang kanilang kinakaharap sa trabaho.
Kung maaalala, una nang nagbabala ang state weather bureau hinggil sa mga banta na maaaring idulot ng dangerous heat index sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na posible pang magtagal hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Mayo.