Binigyang pagkilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga tripulante ng BRP Bagacay (MRRV-4410) na nakibahagi sa humanitarian mission para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Kasabay ng pagdaong ng barko sa Port Area, Maynila, iginawad ni PCG Officer-in-Charge, CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr, ang “Coast Guard Merit Medal and Ribbon” sa mga Coast Guardians na buong tapang na isinagawa ang naturang inisyatibo bilang pagtupad sa kanilang tungkulin para sa bayan.
Personal ding binati ng PCG Officer-in-Charge si CG Captain Jane Gesulgon, ang kapitan ng BRP Bagacay (MRRV-4410), na nagsigurong maisasakatuparan ang misyon at mananatiling ligtas ang 38 PCG personnel na tripulante ng barko.
Kasama rin sina Coast Guard Civil Relations Service (CGCRS) Commander, CG Rear Admiral Armando Balilo, at Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon (CGDNCR-CL) Commander, CG Commodore Arnaldo Lim, sa paggawad ng pagkilala sa mga natatanging Coast Guardians.