-- Advertisements --
image 148

Umalma ang ilang taxi driver dahil sa ipinatutupad na polisiya patungkol sa multang 5,000 pesos hanggang 15,000 pesos sa mga driver na tatanggihan ang pasahero.

Anila, mabigat umano itong multa at halos hindi nila itong kayang kitain sa isang buwan.

Paliwanag ni Joey Gonzales, apat na taon ng taxi driver, di talaga umano maiiwasan na tumanggi sa pasahero lalo na kung gabi na’t pauwi na sila.

Sa ngayon raw ay nasa halos 600 pesos lang raw ang kinikita niya sa isang araw.

Dagdag pa niya, nahihirapan na nga umano sa pang araw araw na gastosin at bilihin, kung sakali man ay pagmumultahin pa ng malaki.

Pareho naman halos ang naging sentimyento ni Stanley Alcantara, aniya kung ganyan ang polisiya ay baka maubos ang mga taxi driver lalo na’t marami nang ibang umuusbong na mga pampasaherong sasakyan.

Matatandaan na naglabas ng polisiya ang Land Transportation Office na pagmumultahin ang mga taxi driver ng 5,000 pesos hanggang 15,000 pesos kapag nahuling tumatanggi sa pasahero.

Ito ay kasabay ng paglunsad nila ng programang ‘Oplan Isnabero’ na magtatagal na lamang hanggang bukas.

Nais lamang umano ng ahensya na paalalahanan ang mga taxi driver na maging responsable sa kanilang serbisyo upang matugunan ang pangangailangan ng tao.