-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Sinimulan na ng Schools Division Office(SDO) Cauayan City ang flu vaccination sa mga teaching at non-teaching personnel sa lahat ng MGA paaralan sa lunsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City, sinabi niya na naglaan ang kanilang tanggapan ng apat na araw para sa pagsasagawa ng vaccination sa mga guro at non-teaching personnel sa mga paaralan sa lunsod at uunahin ang mga guro na mula sa malalayong paaralan.

Anya, gagawin itong by batch upang hindi sabay sabay ang pagtungo ng mga guro sa kanilang tanggapan bilang pagtalima sa mga panuntunan may kaugnayan sa COVID-19.

Humiling naman sila ng pulis na magbabantay para matiyak lahat ay susunod sa mga panuntunan.

Anya, apat na araw ang kanilang inilaan na nagsimula ngayong araw hanggang bukas habang ang nalalabing dalawang araw ay sa Sept. 28-29, 2020.

Ayon kay Dr. Gumaru, layunin ng hakbang na ito na mapalakas ang resistensya ng mga guro at non-teaching personnel ng DepEd Cauayan City.

Samantala, sinabi pa ni Dr. Gumaru na isang daang bahagdan na ang kahandaan ng DepEd Cauayan City para sa pagbubukas ng klase October 5, 2020.

Sa ngayon ay tapos na ang pamamahagi nila ng mga learning modules para sa buwan ng Oktubre sa 79 na paaralan sa lungsod.