ILOILO CITY – Nag-abiso ang lahat ng mga telecommunications company sa publiko hinggil sa ipapatupad na signal jamming kasabay ng Dinagyang Festival 2020.
Ito ang kasunod ng pagpapalabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ng memorandum hinggil sa ipapatupad na signal jamming para sa seguridad ng lahat ng mga manunuod.
Ayon sa notice na ipinalabas ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, magiging epektibo ang signal jamming ngayong Enero 26, simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon.
Sakop ng signal jamming ang mga lugar sa Iloilo City partikular na sa apat na mga judging areas.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng mga telecom company na hindi apektado ng signal jamming ang WIFI local area network connection.
Napag-alaman na ang nasabing hakbang ay isang paraan upang maiwasan ang anumang krimen kasabay ng nasabing aktibidad.