BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Manuel Ayap, ang Foreign Service Officer at Vice Consul ng Philippine Consulate General sa Manado, Indonesia na walang dapat na ikakabahala ang mga Pinoy dito sa Pilipinas sa seguridad ng kanilang mga ka-anak na nasa Indonesia matapos ang sucide bombing sa labas na bahagi ng simbahang Katoliko sa Makassar City nitong Linggo.
Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Vice Consul Ayap na sa kabila ng pangyayari ay normal lamang ang pang-araw araw na buhay ng mga tao lalo na sa paligid ng crime scene.
May hinahabol na rin umano ang mga otoridad matapos ini-utos ni President Joko Widodo na papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng pangyayari na tinawag nitong terrorist act.
Wala rin umano itong epekto sa mga Muslim at Kristiyano sa nasabing bansa dahil sa maganda ang kanilang relasyon na hindi umano basta-bastang masisira ng kahit na anumang religious belief.
Ayon pa sa opisyal, matapos ang insidente ay kaagad niyang tinawagan ang maliit na komunidad ng mga Pinoy sa Makassar City na kinabibilangan ng mga guro at nalamang walang kahit na isa sa kanila ang nadamay.