-- Advertisements --

Mga out of school youth na Muslim ang karamihan na na-recruit ng Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Mindanao.

Ito ang ibinunyag ni 1st Infantry Tabak Division spokesperson Major Ronald Suscano.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Suscano, kaniyang sinabi na tukoy na ng militar ang mga nasa likod ng recruitment maging ang bilang ng mga na-recruit at kung saang lugar isinasailalim sa pagsasanay ang mga ito.

Bagama’t may intelligence report sila ukol dito, kailangan pa rin aniya ito isailalim sa validation.

May ginagawa na rin daw na hakbang ang mga concerned units ukol sa nasabing report.

Tumanggi naman si Suscano na ihayag kung ilan na ang na-recruit ng Maute-ISIS terror group dahil operational details na ang mga ito.

Sa ngayon, lalo pang pinalakas ng militar ang kanilang operasyon laban sa teroristang grupo bagama’t kaunti na lamang ang mga ito.

Samantala, tuloy din ang pagtugis sa mga banyagang terorista na may kaugnayan sa Daesh inspired group na nasa likod sa pagre-recruit ng bagong miyembro.

Inamin din ng militar na nahihirapan sila sa clearing operations dahil marami pang improvised explosive device ang nakatanim sa main battle area.