Pinabulaanan ng Department of Justice ang mga alegasyon na ginigipit at iniimpluwensyahan umano nila ang mga testigo laban kay dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Si Teves nga ay nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang na ang pagkakasangkot umano nito sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kasi sa legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, sangkot umano si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pag-tamper sa mga testigo kabilang na ang dalawang arestadong kasabwat ni Teves kahit na wala raw itong mga legal counsel.
Inakusahan din si Remulla ng pananakot at pamimilit para umano tumestigo ang mga ito laban kay Teves.
Mariin naman itong pinabulaanan ni Department of Justice Assistant Secretary Dominic Clavano IV. Aniya, ang mga akusasyon laban kay Secretary Remulla ay “completely misleading.”
Dagdag pa ni Clavano, matibay raw ang mga ebidensiya kaya gusto nila itong ipresenta sa korte at bahala na raw ang korte na magdesisyon sa kaso.
Hinamon din ni Clavano ang kampo ni Teves na iwasan na ang pasikot-sikot at bumalik na ng Pilipinas para harapin ang mga kaso sa korte.
Matatandaan na noong Marso ay nahuli si Teves sa Timor-Leste dahil na rin sa red notice na inisyu ng International Criminal Police Organization. NGunit magpahanggang ngayon ay hindi pa ito nakababalik ng bansa dahil sa mga court proceeding ng kaniyang kaso.