Iniulat ng Commission on Human Rights (CHR) na pareho ang findings nito sa mga testimoniya at katibayang ipinapakita sa mga serye ng pagdinig ng Quad Committee ng kamara de Representantes.
Kabilang sa mga tinukoy ng komisyon ay ang umano’y reward system na una nang ibinunyag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office GM Royina Garma.
Batay sa report ng CHR na inilabas nito noong April 2022, natuklasan umano ng komisyon na ang mga police operatives na sangkot sa madugong kampaniya ay maaaring ginawaran ng pabuya, binigyang-pagkilala, o nakatanggap ng award.
Ayon sa CHR, kailangang maimbestigahan ng maigi ang reward system dahil ito ay importante para mas malawak na maintindihan ang madugong kampanya.
Maliban sa reward system, tinukoy din ng CHR ang mga testimoniya ukol sa mga ‘nanlaban’ na drug personalities at ang labis na paggamit ng pulisya ng kanilang pwersa tuwing nagsasagawa ng operasyon.
Binigyang-diin ng komisyon na ang kasalukuyang socio-political climate sa bansa ay mas akma para maresolba ang mga nangyaring patayan, hindi tulad noong nakalipas na administrasyon.
Ayon sa CHR, naging malaking hamon ang nakalipas na administrasyon sa ginawa nitong imbestigasyon at pagsusuri.