-- Advertisements --

Magbibigay ng mga karampatang parusa ang Department of Agriculture pati na rin iba pang mga attached agencies ng ahensya sa mga retailers na magtataas ng presyo sa mga pangunahing bilihin sa merkado.

Sa naging eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Assistant Secretary for High-Valued Crops, Sagip Saka and Intellectual Property Deputy Spokesperson Atty. Joycel Panlilio, ipiniliwanag nito na mayroong kapangyarihan ang kanilang ahensya sa ilalim ng Price Act na magtalaga ng ceiling price sa mga pangunahing bilihin na siyang ibinebenta sa publiko.

Dagdag pa nito, may kapangyarihan din ang ahensya na gumawa ng mga hakbang kapag mayroong mga insidente ng overpricing o profiteering na nangyayari sa loob ng mga pangunahing pamilihan sa bansa.

Kapag aniya napatunayan sa mga imbestigasyon na nagkaroon ng profiteering ang mga retailers at napatunayang lumabag sa itinakdang presyo ay maaaring magrekomenda ang DA sa Department of Justice o sa National Prosecution Service na patawan ng kaukulang kaso ang mga ito.

Magmula dito ay haharap sa mga kaso at mga hearing sa korte ang mga lalabag sa naturang panukala.

Sa ngayon naman ay umarangkada na ang pagbaba ng mga bigas sa ‘Rice-for-All’ na programa ng ahensya na siyang mabibili sa mga Kadiwa Kiosk na kasalukuyang maabutan sa ilang mga estasyon ng LRT at MRT, maging sa mga palengke.