Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCPO) chief PDir. Oscar Albayalde na may tinukoy sa silang mga lugar na kanilang itinuring na critical areas sa darating na bagong taon.
Paliwanag ni Albayalde na tinawag nila itong critical areas dahil may mga kasong naitala sa mga nasabing lugar gaya ng krimen at indiscriminate firing.
Tinukoy ni Albayalde ang mga nasabing lugar gaya ng Navota,Manila, Baseco area, Taguig sa may Maharlika area at Caloocan.
“Meron tayong identified critical areas, yung mga crime prone areas at saka yung mga area na may insidente ng indiscriminate firing last year or the previous years,” wika ni Albayalde.
Sinabi ni Albayalde na may mga team na silang idineploy sa mga nasabing lugar para magmonitor lalo na sa pagsalubong sa bagong taon.
Una rito, mahigpit ang direktiba ni PNP chief PDGen. Ronald Dela Rosa sa mga police commanders na siguraduhin na walang magpapaputok ng baril lalo na sa pagsalubong sa bagong taon para maiwasan na magkaroon ng biktima ng stray bullet.
Inihayag naman ni Albayalde na mahigpit na seguridad ang kanilang ipapatupad lalo na sa mga matataong lugar, places of convergence, malls, terminals at airports.