-- Advertisements --
Swine Fever
African Swine Fever/ Science image

VIGAN CITY – Malaki ang paniniwala ng provincial quarantine officer ng Ilocos Sur na ang mga tira-tirang pagkain na nahaluan ng karne na posibleng kontaminado ng African Swine Fever (ASF) virus na naipakain sa mga alagang baboy sa Rodriguez, Rizal ang rason ng mataas na hog mortality.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Martel Quitoriano na mahilig umano kasi ang ilang hog raisers na magpakain ng mga tira-tirang pagkain mula sa mga restaurants at iba pang kainan upang makatipid sa pagpapakain ng alagang baboy ngunit hindi nila alam na maaaring ang ilan sa mga naihalo rito ay kontaminado na pala ng ASF virus lalo pa’t may ilang mga imported meat products na nakakalusot pa rin sa mga pantalan, maging sa mga airport sa bansa.

Ayon kay Quitoriano, marapat lamang umano na maging mahusay ang mga nakatalagang inspectors sa mga pantalan at airport upang malaman kung mayroong mga importer na karne na posibleng kontaminado ng nasabing ASF virus na maaaring makapasok sa bansa.

Kaugnay nito, temporaryo munang ipinagbawal ng provincial government ng Ilocos Sur at ng provincial quarantine office sa lalawigan ang pagpasok ng baboy at frozen meat products upang maiwasang makapasok sa Ilocos Sur ang nasabing virus.

Kasabay nito ay tiniyak naman ng Ilocos Sur Hog Raisers’ Association na may sapat na suplay ng karne ng baboy sa lalawigan na maaaring bilhin ng mga customer.