Hahabulin ng gobyerno ang mga hoarder at manipulator na mananamantala sa sandaling lumipat ang bansa sa La Niña weather phenomenon.
Ito ang kinumpirma ni Defense Secretary at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) chairman Gilberto Teodoro Jr. sa isang panayam.
Ginawa ng kalihim ang babala sa katatapos na pagpupulong ng Presidential Task Force on El Niño sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Teodoro, nakahanda ang Department of National Defense (DND) na magbigay ng suporta sa mga ahensya ng gobyerno na direktang sangkot sa pagsubaybay sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin sa panahon ng La Niña.
Batay sa datos ng state weather bureau, ang La Niña ay isang pattern ng klima na nagpapakita ng higit sa karaniwang pag-ulan.
Una ng sinabi ng ahensya na maaaring umiral ang naturang weather phenomenon mula June-July-August ng kasalukuyang taon.
Sinabi rin nito na ang bansa ay lumilipat na ngayon sa tag-ulan, na maaaring magsimula sa unang dalawang linggo ng Hunyo.
Sa ngayon, nararanasan pa rin ng bansa ang El Niño, isang weather phenomenon na nagpapataas ng posibilidad ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan na maaaring humantong sa dry spells at tagtuyot.
Giit ni Teodoro, ang pagsugpo sa manipulasyon sa presyo at pagpapanagot sa mga hoarders ay kabilang sa mga prayoridad ng gobyerno sa pagtugon sa kalamidad.