CENTRAL MINDANAO – Isinailalim sa pagsasanay ang mga traffic enforcers sa Midsayap, Cotabato kaugnay sa pagpapatupad ng Republic Act 11313 o ang Safe Spaces Act o mas kilala bilang Bawal Bastos Law.
Ang batas ay naglalayong protektahan ang indibidwal mula sa iba’t ibang uri ng pambabastos sa kalsada, pampublikong lugar, online, sa pinagtatrabahuan at sa mga educational o training institutes.
Tinalakay sa training ang papel na gagampanan ng mga traffic enforcers sa pagpapatupad nito.
Ang pagsasagawa ng pagsasanay sa mga kawani ng gobyerno ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Midsayap Gender and Development Focal Point System na maisulong ang isang komunidad na malayo sa pag-abuso sa mga kababaihan.
Samantala, tiniyak naman ng LGU-Midsayap ang patuloy na suporta sa mga programa na layong makamit ang isang Violence Against Women o VAW-Free Community.